Quezon City—Naglunsad ng kampanya ang mga bata at kabataan ng lungsod Quezon, San Juan at Valenzuela upang ipanawagan sa mga nasa katungkulan, gayundin sa mga nagsusulong ng karapatan ng mga bata na pakinggan ang kanilang tinig at bigyan sila ng pagkakataong makalahok sa pagpaplano at paghahanda para sa mga disaster.
Kasama ang Center for Disaster Preparedness (CDP) at Plan International-Philippines, inilunsad ng mga kabataan ang Yes SIR/YES MA’AM campaign noong Hunyo kasabay ng pagsasagawa ng isang pambansang porum sa child-centered disaster risk reduction (CCUDRR).
Tinaguriang YES SIR (Safe and Secure, Involved, and Ready) at YES MA’AM (Maging ligtas, alerto at makilahok) ang kampanya na kasalukuyang gumugulong sa mga komunidad ng tatlong siyudad. Layon ng kampanyang ito na magtulungan ang mga nasa pamahalaan, CSO at mga komunidad upang makamit ang mga kahilingan ng mga bata at kabataan para sa:
Mas ligtas na mga paaralan
Inclusive na mga evacuation center
Pagpapatag ng mga mekanismo para sa proteksyon ng mga bata
Pagpapataas ng kaalaman at paglahok ng mga out-of-school at iba pang mga bulnerableng bata at kabataan.
Pagpapalakas sa kakayahan ng kabataan
Ayon kay John Ryder mula sa Quezon City, mahalagang mabigyang-tinig ang mga kabataan pagdating sa isyu ng kahandaan sa disaster.
“Dapat kasama kami sa pagbubuo ng plano at paglalaan
ng kaukulang badyet sa aming mga komunidad
dahil madalas kaming apektado nito. ”
Dagdag pa ni Nico mula sa San Juan,
“para maging ligtas kami, kailangan maging handa ang mga
pamilya at mabigyang-kaalaman ang mga kabataan tungkol
sa disaster. Mangyayari iyon kung makakalahok kami.”
Kadalasang nagiging problema ng mga kabataan sa mga kalunsuran ang kakulangan ng representasyon sa pagbubuo ng plano at paglalaan ng badyet sa mga programa, proyekto at aktibidad (PPA) laluna sa disaster risk reduction (DRR).
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng CDP, sa gitna ng maraming hinaharap na hamon ng mga kabataan sa Metro Manila, hindi lahat ng kabataan ay nakalalahok at nakakaakses sa mga programa sa kahandaan.
Naunang ipinakilala ang YES SIR, YES MAAM noong Hunyo 1 sa pambansang porum na tinaguriang, Pagsibol ng katatagan ng bata at kabataan sa kalunsuran na nilahukan ng humigit 200 kalahok mula sa hanay ng mga child rights advocates, mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng mga komunidad. Tinalakay sa nasabing porum ang mga isyung nakaaapekto sa mga bata at kabataan bago, habang at pagkatapos ng disaster.
Nabuo ang kampanya matapos matagumpay na ipinatupad ng mga bata at kabataan ang kanilang mga proyektong DRR at climate smart. Hinalaw nila ang mga aral mula sa kanilang mga malilikhaing proyekto at nakabuo ng mga panawagang isusulong sa iba’t ibang antas. Ani Caselyn ng Quezon City,
“dahil sa aming proyekto, naipakita namin na kaya naming
maglingkod sa aming barangay at may kakayahan kaming
kabataan na mapakilos tuwing may disaster.”
Hamon ni Fatimah ng Valenzuela City ,
“mas magandang pagtuunan natin ang pansin ang
kahandaan… posible naman na magsama-sama tayo.”
Pinadaloy ng proyektong Strengthening resilience to disasters among targeted vulnerable urban poor communities in Manila na ipinatutupad ng CDP at Plan International ang kampanya sa tulong ng Australian government Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT). #