Pagkakaloob: Ang Konsepto at Praktika ng Community Philanthropy sa Pilipinas
Authors: Loreine dela Cruz, Michael Vincent Mercado
Translated by: Francis Beltejar
Panimula at Konteksto
Hindi mapipigilan ang pagbabago, tanging ang mga ginagawang aksyon ang maiiba, maging ito man ay matapang at radikal o simpleng mga maliliit na pagsisikap na nakadepende sa iba't ibang konteksto at sitwasyon. Ang mga tagapagbago ay hindi mapapagod at manghihina; susuportahan sila ng mga kapwa nila may parehong diwa. Ang hiling sa transpormasyon ay mananatiling nag-aalab sa kanilang mga puso at magtutulak sa pagsulong.
Ang mga halimbawa ng nabigong mga pagsisikap sa pagpapaunlad, ang higit pang pagliit ng espasyo para sa civil society, at ang pangako ng pagpapaunlad na pinangungunahan ng lokal ay nag-aambag sa bagong pansin patungo sa community philanthropy (Doan, 2019).
Noong 2016 at mahigit 20 taon na ang nakakalipas, isang tahimik na rebolusyon ang naganap sa mga komunidad sa buong mundo, lampas sa makinarya at radar ng malalaking pagpapaunlad (Hodgson, 2016). Isang bagong pangkat ng mga organisasyon – mga pundasyon ng komunidad, pondo para sa kababaihan, pondo sa kapaligiran, at iba pang mga grassroots na nagkakaloob ng tulong – ay lumitaw sa iba’t ibang bansa tulad ng Romania, Zimbabwe, Vietnam, at Mexico. Sila ay hinubog ng lokal na konteksto at kultura at ng mga indibidwal na madalas na nadidismaya sa mga kabiguan ng tradisyonal na tulong sa pagpapaunlad, nag-aalala sa pakiramdam ng pagkakahiwalay at pagkadismaya sa kanilang mga komunidad, at inspirado ng paniniwalang kung walang lokal na mapagkukunan, lokal na pamumuno, at lokal na pagtangkilik ang mga proyekto sa pagpapaunlad ay mananatili itong lalagapak na tila paputok – kikislap nang makulay at pagkatapos ay mangamamatay (Hodgson, 2016).
Ang karanasan ng Tewa sa Nepal ay nagtatag ng isang network ng mahigit sa 9,500 na mga Nepali donors, na ang karamihan ay pangkaraniwang mga kababaihan na nakinabang mula sa mga tulong ng Tewa sa nakaraan at nais magbigay pabalik. Sa kabila ng maraming internasyonal na donors na nais sumuporta sa Tewa sa kanilang mga gastos sa kawani at pagtatayo ng kanilang mga opisina, lalo na ang kanilang programa sa pagkakaloob o community philanthropy, pinili nila ang prinsipyo ng lokal na pagkalap para sa nasabing layunin. Sa dalawang dekada ng pagtatrabaho kasama ang mga lokal na grupo ng kababaihan sa buong bansa, kaya nilang agarang tumugon sa mga bantang panganib na nagiging sakuna sa kanilang bansa, tulad ng lindol noong 2015. Ginamit nila ang kanilang mga network upang matukoy at maabot ang mga pinakamalubhang naapektuhan ang pinansya at nangangailangan ng mga emergency supply habang naglilingkod bilang mga punto ng pakikipag-ugnayan para sa pagbuhos ng tulong mula sa lokal at internasyonal.
Ang pambihirang paglago sa larangan ng community philanthropy ay minarkahan sa unang Global Summit on Community Philanthropy sa Johannesburg, South Africa. #ShiftThePower ang naging sigaw ng mga stakeholder na lumahok sa summit.
Ang community philanthropy (CP) ay naging isang anyo at puwersa para sa pagpapaunlad na pinangungunahan ng lokal na nagpapalakas ng kapasidad at boses ng komunidad, bumubuong tiwala, at higit sa lahat, tumatangkilik at pinayayabong ang mga lokal na mapagkukunan upang bumuo at panatilihin ang isang malakas na komunidad (GFCF). Mula sa tagapanguna ng community philanthropy, na si Jenny Hodgson, ang CP, ayon sa kasalukuyang praktika ng mga organisasyon, ay nag-ugat sa sibil na lipunan at mga kilusang panlipunan na maaaring bumuwag at magdemokratisa sa sistema at lumikha ng isang alternatibo sa kasalukuyang pagpapaunlad o development. Naaayong ito sa kawikaan ni John Ruskin, “Kapag tayo’y may bubuuin, ipagpalagay natin na tayo’y bubuo magpakailanman na, sa diwa, ay ang konsepto ng matatag na pagpapaunlad.”
Ang konsepto ng CP ay pamilyar sa bansa dahil ang mga Pilipino ay may natatangi at likas na kalidad ng pagbibigayan. Maraming pamilyang Pilipino ang lumaki sa praktika ng pagtitipon ng mga pamilya tuwing Linggo, maaaring lingguhan o buwanan, tuwing may pagkakataon ang mga pamilya na magbahagi ng kanilang mga biyaya – maghahanda at magluluto sila ng espesyal na pagkain tuwing Linggo para sa kanilang mga pamilya at magbabahaginan sa mga kapitbahayan. Sa panahon ng pagbibigay, ito ay isang magandang pagkakataon upang makipagkwentuhan sa mga kapitbahay tungkol sa kanilang kalagayan sa nagdaang linggo o ilang araw.
Ang salitang Pilipino na ‘pagkakaloob’ ay ang konsepto ng pagbibigay sa kulturang Pilipino na mayaman sa kahulugan at praktika. Kapag tayo ay nagbabahagi, mayroong likas na elemento ito ng pagbibigay ng ating mga sarili. Ang pagkakaloob ay ang paglalaanng oras, talento, at yaman sa mga nangangailangan o para sa isang mabuting layunin. Minsan, maaari itong umabot sa pag-alay ng sarili para sa iba bilang sakripisyo tulad ng mga Kristiyano o mga aktibista, o zakat ng mga Muslim. Ito ay isang makapangyarihang pagpapahalaga at kultura na kapag muling mag-alab sa mga Pilipino upang kumilos, ay maaaring gumawa ng malawakang pagbabago sa buhay panlipunan at pampulitika ngayon.
Pagkakaloob
Ang pagkakaloob at pagbabahagi ay likas na positibong saloobin at katangian ng maraming Pilipino ito man ay sadya o hindi sadya. Ang salita ay sumasaklaw sa diwa at pagsasagisag ng konsepto ng community philanthropy sa konteksto ng kulturang Pilipino at bilang isang tao. Sa muling pag-unawa sa diwa at ugat ng pagkakaloob, ito ay tumutukoy sa pagbibigay o pagkakaloob ng mayroon ang tao sa aspetong pinansyal o hindi pinansyal tulad ng oras, kaalaman, kasanayan, koneksyon, at network para sa ikabubuti ng mga kapitbahay, grupo, adbokasiya, at layunin para sa ikabubuti ng lahat.
Ang ‘loob’, na salitang-ugat ng kaloob sa pagkakaloob, at kapwa ay ang dalawang haligi ng etika ng kabutihang Pilipino. Ang pagkakaloob ay hindi lamang ang palabas na aksyon ng pagbibigay kundi may kasamang panloob na elemento ng sarili at mga positibong katangian ng isang indibidwal.
Alam ng mga bantog na Pilipinong iskolar tulad ni Dionisio Miranda ang kakulangan ng ‘rasyonalidad’ sa loob, at sinubukan ni Miranda na magpasok ng rason sa pamamagitan ng pagsusuri ng loob at ng mga bahaging bumubuo rito at matukoy ang mga konseptong Pilipino na maaaring sumaklaw sa rasyonalidad. Hinati niya ang loob sa sumusunod na tatlong bahagi:
Elementong Kognitibo/Intelektwal
Elementong Boluntaryo/Kalooban
Elementong Emosyonal/Pathic
“Ang Pilipino ay bihirang kumilos batay sa rasyonalidad. Hindi dahil siya ay irasyonal o hindi gumagamit ng kanyang ulo, ngunit mas madalas siyang kumikilos bataysa mga pagganyak ng kanyang puso, mula sa isang intuitibo at agarang pag-unawa sa realidad. Mas tumpak na sabihin na siya ay kumikilos batay sa kanyang kalooban, na sa katotohanan, ay hindi mapaghihiwalay na puso-isip (Dy 1994).”
Ang loob ay ‘naglalaman ng isang panloob na mundo…na binubuo ng mga operasyon ng malay at isip, dama at bait , ugali at kalooban (Miranda 2003, 68). Sa ganitong diwa, ang loob ay maaaring tawaging ‘holistic will’. Giit ni Jeremiah Reyes, ang wikang Pilipino ay may napakaraming bilang ng mga salita at termino na sumasaklaw sa maraming aspeto ng pakikipag-ugnayan sa iba, at karamihan sa kanila ay mahirap isalin sa Ingles (pagmamalasakit, pakikiramay, pakikisalamuha, atbp.). Ito ay makatwiran dahil ang kalooban, ayon kay Aquinas, ay ang kapangyarihan may kaugnayan sa kapwa. Kung ang loob ay isang ‘holistic will’, ibig sabihin sakop nito ang lahat ng iba pang kakayahan ng tao para sa pangunahing layunin ng pagtatatag at pagpapanatili ng mga relasyon sa kapwa.
Ang pagkakaloob, na may diin sa pagbibigay at pagbabahagi bilang isang relasyonal na praktika, ay tumutukoy sa puso ng community philanthropy. Ito ay isang terminong kumikilala sa pagkakaugnay-ugnay ng mga indibidwal sa loob ng isang komunidad at binibigyang-diin ang pagiging mapagbigay. Ang malalim na diwang ito, o "loob" sa kulturang Pilipino, ay itinuturing na pinagmumulan ng gabay at lakas (Renta, 2023). Ang kaloob, na nangangahulugang regalo, bigay, o talento, ay paalala na ang bawat isa sa komunidad ay may maiaambag at maibabahagi. Ang kagandahang loob ay isa pang terminong karaniwang ginagamit sa kulturang Pilipino. Ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mabuti at mapagbigay na puso o isang disposisyon na nakahilig sa paggawa ng mabuti. Ito ay madalas na nauugnay sa mga gawaing kabaitan, awa, atwalang pag-iimbot. Ang isang may "kagandahang loob" ay itinuturing na ginagabayan ng pagnanais na tumulong sa iba, kaysa sa pansariling kapakanan, na makikita sa karamihan ng mga komunidad kung saan kumikilos ang mga ACSF awardee. Ang katangiang ito ay lubos na pinahahalagahan sa kulturang Pilipino at madalas ituring bilang repleksyon ng panloob na kalikasan o "loob" ng isang tao. Ang paggamit ng terminong pagkakaloob upang ilarawan ang community philanthropy ay hindi lamang naaangkop sa kultura kundi naaayon rin sa mga pagpapahalaga at prinsipyong nagbibigay halaga sa praktikang ito sa Pilipinas.
Sa pag-unawa sa katutubong kulturang Pilipino, dapat kilalanin na ang lakas nito ay nasa yaman ng mga pagpapahalagang pangkomunidad, kung saan ang panlipunang pagkakaisa, mutual na respeto, at kolektibong layunin ay binibigyang prayoridad. Ang kulturang espiritwal na ito ay nasasalamin sa Creative Living Presence ni De Leon, kung saan binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga pagpapahalagang pangkomunidad at ang pagkakaugnay-ugnay ng mga indibidwal sa paghubog ng pagkakakilanlang Pilipino (1994):
“Sa kulturang Pilipino, mayroong nakatagong paniniwala sa psychic unity ng sangkatauhan. Ang pag-iral ng indibidwal ay tila mababaw at relatibo lamang. Sapagkat tayong lahat ay umiiral sa loob ng isang cosmic matrix na nabubuhay sa pinakamalalim na sentro kung saan ay mayroong creative living presence o energic process. Ang lahat ng tao—at sa ibang paraan maging ang mga hayop, halaman at mineral—ay nagbabahagi ng pinakaloob na sagradong core. Lumilitaw ang isang paradox. Sa bawat tao ay may banal na esensya na naghahanap ng katuparan sa malikhaing mga gawain. Kasabay nito, ang pagkakadepende sa isa't isa na ipinapahiwatig ng isang ibinahaging matris ng pagkakaroon ay naghahanap ng pagpapatibay sa isang pagdiriwang ng pagkakaisa.”
Ang sipi ay nagsisilbing matinding paalala ng ating likas na potensyal bilang mga tao na mamuhay nang may layunin at kahulugan. Ang malikhaing buhay na presensya ay isang puwersa sa loob natin, naghihintay na mapalaya. Sa kabila ng mga abala at hamon ng makabagong buhay, ito ay hindi nagbabago at mahalagang bahagi ng kung sino tayo. Ang ’kapwa’ sa atin sa personal na antas ay isinasaalang-alang ang kapakanan at kagalingan ng mga taong ating nadadampian at magiging mas may kunsiderasyon sa epekto ng ating mga aksyon sa kanila.
Sa antas ng komunidad, ang ‘kapwa’ sa atin ay inaalala ang nangyayari sa agarang kapaligiran at tutugon sa anumang paraan na abot-kamay upang tulungan ang komunidad na maging mas mabuti at ligtas. Sa mas malawak at panlipunang antas, ang ‘kapwa’ sa atin ay hindi titiisin ang kawalan ng respeto sa karapatang pantao; at pahahalagahan ang bawat buhay ng tao. Hindi nito babastusin ang mga kababaihan o aagawan ng karapatan ang mga minorya. Hindi rin nito ilalagay sa panganib ang buhay ng tao, kalikasan, at ating planeta sa pamamagitan ng pag-abuso at maling paggamit ng ating mga mapagkukunan sa paghahanap ng mas malaking tubo, sa pagtitiyak na ang buhay sa ating mundo ay magiging likas-kaya para sa mga susunod na henerasyon. Tatanggihan nito ang lahat ng anyo ng kawalang-katarungan at diskriminasyon (De Guia, 2005).
Ito ang unibersal na halaga ng isang sama-samang pagkakakilanlan na tampok sa Pilipino at iba pang mga kultura dahil ito ay nakaugat sa sangkatauhan. Sa kalooban natin, may nakatagong malakas na puwersa na makakatulong sa pagtatayo ng isang kulturang pagbabago at kapayapaan.
Ang pagkakaloob na naglalaman ng kapwa ay mayaman sa kahulugan, layunin, at halaga. Panahon na upang muling sindihan at gisingin ang matagal nang nasikil na pagaasam dahil sa ilang siglo ng impluwensyang kolonyal, ang pagnanais na ituloy ang pagbabago dito at ngayon din, puno ng malalim na pakiramdam ng komunidad, kooperasyon, at pagkakaisa. Ang diwa at kahulugan ng salitang pagkakaloob ay tumutukoy samga sumusunod na konsepto:
Paggamit sa puso at espiritu ng tao upang kumonekta bilang mga kapwa tao para sa sangkatauhan at pagbabago
Likas na pagnanais na maging isa, konektado, at kaisa
Likas na hangarin para sa pagbabago alang-alang sa sangkatauhan at sa mga susunod na henerasyon
Likas na pagnanais na magbigay at magbahagi ng anumang mayroon sila para sa kabutihan at suporta; para sa pag-ibig
May sama-samang pagkakakilanlan ang pagkakaloob sa pagpapaloob nito ng kapwa, kasama na ang pangangalaga sa relasyon na mahalaga dito, ang pag-aalaga, paglingap, pagaaruga, at mapagkalingang suporta para sa paglago at pag-unlad ng isa't isa.
Ayon kay Virgilio Enriquez, ang kapwa ay tumutukoy sa sama-samang pagkakakilanlan: “Ang ibang tao ay ikaw rin (de Leon 2017).” Kung kaya’y, ang mga relasyon ay karaniwang mas pinahahalagahan ng mga Pilipino kaysa sa kapangyarihang pang-ekonomiya. Ang konsepto ng sama-samang pagkakakilanlan, kung saan “ang ibang tao ay ikaw rin,” ay masasabing ang ubod ng sikolohiyang Pilipino. Ito ay pagkatao sa pinakamataas na antas. Ipinapahiwatig nito ang isang natatanging obligasyong moral na ituring ang isa't isa bilang pantay na kapwa tao. Ituring ang ibang tao tulad ng pagtrato mo sa iyong sarili dahil ang ibang tao ay ikaw rin. Ang ubod ng ideyang Pilipino na ito ay maaaring maging batayan ng Golden Rule sa mga dakilang relihiyon ng mundo. Ang Kapwa ay isang kamalayan sa pagkakaugat ng bawat isa sa atin sa isang banal na diwa sa ating kalooban.
Ang mga tagapagtaguyod ng pagpapaunlad na pinangungunahan ng mga lokalidad at komunidad sa Pilipinas ay maaaring gamitin ang pagkakaloob upang mahuli ang espiritu, ang diwa ng puwersang nagpapalakas sa kapasidad at boses ng komunidad, bumubuong tiwala, at higit sa lahat ay tumatangkilik at pinayayabong ang mga lokal na mapagkukunan upang mapanatili ang isang matibay at malakas na komunidad.
Ang buong proseso ng pagpapaunlad ng mga indibidwal ay naisasalin sa mga organisasyon; ang indibidwal na pagbabago ay sumisinangsa mga organisasyon kung saan sila nabibilang, at kapag ang mga organisasyong ito ay may tunay na layunin, ito ay ramdam ngmga komunidad na nasa proseso ng pagtatayo ng kilusan para sa nais na pagbabago sa lipunan.
Ebidensya ng CP mula sa mga katuwang ng CDP
Sa paglalakbay ng CDP kasama ang mga partner awardees ng Abot-Kamay Community Solidarity Fund, ang kanilang mga aksyong pinangungunahan ng komunidad ay nagpapakita ng mga mahahalagang pag-uugaling Pilipino na nakaugat sa kanila bilang bahagi ng kultura at bilang isang tao. Batay sa mga pagbabahagi sa mga pagbisita at mga pagsubaybay, maging sa kanilang mga ulat, ang tulak ng community philanthropy ay naroon at maliwanag ito sa marami, kung hindi man sa karamihan ng mga katuwang na stakeholder.
Ang artikulasyon ng mga katuwang sa mas kolektibong mga indikasyon ay natatangi at napakahalaga, na siyang nagpapahiwatig din ng mga mahahalagang pag-uugali ng Pilipino. Ang mga indikasyon na nagpapakita ng pagpapalakas at pagpapaunlad sa pangunguna ng komunidad ay ang mga sumusunod:
Pakikipagkapwa-tao: Ipinapaloob ng tema at indikasyong ito, ang kapangyarihan ng komunidad na mag-impluwensya; maging ang paglahok ng komunidad kasama ang pagtitiyak nito. Tulad ng ibinahagi ng mga organisasyong katuwang, ang pakikilahok at dedikasyon ng komunidad ay makikita sa kolektibong pag-angkin ng problema at mga solusyon sa mga problema ng komunidad. Ang pag-angkin na ito ay humahantong sa pakikialam at sariling pagpapanatili na nagreresulta sa mobilisasyon ng mga tao at mga pinagkukunan para sa ikabubuti ng komunidad. Ang pagkakaisa na naitatag sa mga komunidad ay nagluwal sa panlipunang pagkakaisa na nagbibigay daan sa patuloy na pag-unlad at katatagan ng mga lipunan. Ang mga mahahalagang paguugaling Pilipino na inilalarawan ng indikasyong ito ay pakikipagkapwa, mapanglahok, inclusivity, pagkakaisa at pakikiisa.
#ShiftThePower: Ipinapakita ng tema at indikasyon na ito kung paano pinangungunahan ng mga komunidad ang pag-uulat, pag-coordinate, pagsubaybay, atbp. Saklaw din nito ang pagpapalakas ng komunidad at negosasyon sa mga donors na maaaring nasa anyo ng pagtanggi, kapag hindi ito posible (nakasalalay ito sa kahandaan ng komunidad) , o pagsangayon na lumalarawan sa kapangyarihan ng pera at mga relasyon sa kapangyarihan. Ito ang buong saklaw ng pakikipag-ugnayan sa donors. Ang impluwensyang kapangyarihan ng komunidad ay maaaring masukat sa kung paano pinakikinggan at binibigyan ng timbang ang kanilang mga boses sa pagbuo ng patakaran, pagkakasangkot ng komunidad sa paggawa ng patakaran, at ang institusyonal na pakikipag-ugnayan sa mga katuwang para sa mga pagbabago at pagbuo ng patakaran. Ang mga mahalagang paguugaling Pilipino na ipinapakita dito ay ang pakikilahok at pagiging mapanglahaok.
Sustainable development: Ipinapakita ng tema at indikasyon na ito kung paano napapanatili ng isang komunidad ang sarili nito sa pamamagitan ng pagbabalanse ng ecological footprint, paglago ng ekonomiya, at sariling pagtitiwala at pagiging maparaan ng komunidad sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan. Ang mahahalagang paguugaling Pilipino dito ay ang pagpapahalaga sa buhay.
Commitment: Ang commitment bilang isang tema at indikasyon ay maaaring maisalarawan sa dalawang antas – sa antas ng indibidwal, partikular sa mga organizer ng mga organisasyon, at sa antas ng organisasyon. Sa antas ng pag-oorganisa ng komunidad kung saan isinasagawa ng mga organizer ang gawain, kabilang dito ang buong proseso ng pagbubuo ng tiwala, pagbuo ng network, at pag-impluwensya tungo sa pagbuo ng komunidad at pagtiyak sa isang ganap at gumaganang sistema ng komunikasyon at feedback. Sa antas ng organisasyon, ito ay ang matibay na paniniwala ng pamunuan ng organisasyon, sampu ng kanyang mga kasapi, na tiyaking sumailalim sa proseso ng pagpapaunlad at paunlarin ang organisasyon patungo sa layunin at aspirasyon nito.
Dahil dito, ang pagkakaloob sa Pilipinas ay tiyak na magpapasiklab ng isang malawakan at nagbabagang apoy, at bawat araw, ang bawat organisasyon ay magpapaliyab sa kanilang komunidad, palalayain at palalakihin ng mga apoy ng pagbabago. Ang mga apoy ng pagbabago ay sisiklab sa kilusan ng pagkakaloob sa buong bansa at sisinang sa rehiyon at sa mundo.
Pag-aambag sa Lumilitaw na Alternatibong Sistema
Ang artikulong ito ay humugot ng inspirasyon sa pagbabahagi ng kwento ni Michael Edwards tungkol sa karanasan ni Paul Higgins sa pagpapasa ng tulong, tungkol sa pagpopondo para sa pagbabago sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagpopondo ng pay-it-forward at 'creative upcycling’ para muling gamitin ang mga mapagkukunan, ang karanasan ni Higgins sa kanyang café ay naging sentro para sa komunidad upang magtayo ng mga koneksyon sa pamamagitan ng pera sa halip na pagkakahati, na isang radikal na pag-atras sa mga hindi pagkakapantay-pantay na sadyang nasa kaibuturan ng pilantropiya, tulong mula sa labas, at pakikipagkontrata sa gobyerno.
Kawiwiling makita na kung at kapag pinalawak at inangkop sa iba’t ibang paraan, ang ganitong pamamaraan ay maaaring makatulong na ilipat ang kapangyarihan palayo sa mayayamang donors at mga burukrata sa mga nagpopondo, at magbibigay daan sa mas malusog at mas demokratikong sistema. Ang isang demokratikong sistema ng pagpopondo ay isang sistema kung saan ang bawat isa ay ipinagkalooban ng kapangyarihang magbigay ng pantay-pantay Ngunit ang sariling pagpopondo nito ay maaaring mangailangan ng malawak na masa ng lipunan nang magkaroon ng sapat na mapagkukunan upang mag-ambag sa sa ikabubuti ng lahat.
Mahalaga ang pagkamalikhain upang baguhin ang unti-unting naglalaho na mga ecosystem na naririto ngayon. Tinutugunan ng pagkamalikhain ang mga hamon sa pagbabago ng mga relasyong panlipunan, politika, at ekonomiya at binibigyang prayoridad ang mga hindi dominanteng diskarte tungo sa paghawi ng landas para sa isang lumilitaw o alternatibong sistema. Ito ay naiiba mula sa dominanteng landas ng nakaembudong pagpopondo sa pamamagitan ng mga tagapamagitan o intermediaries. Ang modelo ng pay-it-forward ay maaaring magpasimula ng isang bugsong pagbabago tulad ng karanasan ni Higgins sa kanyang café at ng karanasan ng Tewa sa Nepal. Sulit itong subukan at paglaanan ng oras, kayamanan, at sikap dito sa Pilipinas. Ang pag-angkinng sistema ng pagpopondo at suporta para sa pagbabago sa lipunan ay maghahatid ng pagbabagong nais nating makita. Ito ay malawakang pagsasabuhay ng pagpapasa ng tulong.
Ang mga pagsisikap at inisyatibo ng Pagkakaloob ay mag-aambag sa lumilitaw na alternatibong sistema, sa pamamagitan ng mga aksyong pinangungunahan ng komunidad at adyenda ng adbokasiya sa iba't ibang antas ng pakikipag-ugnayan at mga plataporma na nagpapahusay sa kanilang likas na lakas at kakayahan at pag-iimpluwensya sa kapwa mga organisasyon at komunidad upang angkinin at muling angkinin ang kapangyarihan para sa kanilang mga layunin at aspirasyon. Susubukan nila ang diskarte at modelo ng pay-it-forward upang palawakin ang bilang ng mga aktor
na nagsasagawa ng pagkakaloob sa pamamagitan ng paglilipat ng kapangyarihan.
Pag-uugnay ng Pagkakaloob sa Paglilipat ng Kapangyarihan
Sa ubod ng ‘pagkakaloob’ ay ang puso at diwa ng paglilipat ng kapangyarihan, handang ibuhos ang mga yaman, lakas, at kakayahan para sa pag-angkin ng karapatan at paglilipat ng kapangyarihan. Ang transpormatibong karakter ng pagbibigay sa pamamagitan ng ‘pagkakaloob’ ay lumilikha ng dinamikong pag-unlad sa pagbabahagi ng sarili at kung ano ang mayroon para sa mas ikabubuti ng karamihan at pagtatakda ng isang halimbawa at modelo para masundan ng mga kapwa mamamayan. Ito ay, kapag mapalaganap, ay magiging pag-abante ng pay-it-forward para sa bugso ng isang kilusan ng pagbabago sa lipunan at sa buong ecosystem kung saan ito tumatakbo.
Ito ay pagkuha ng kapangyarihan tungo sa iyong sariling mga kamay upang gumawa ng pagbabago para sa ikabubuti ng sariling komunidad at lipunan. Ito ay ang pagpili na mag-access at mag-fundraise ng mga mapagkukunan sa kapasidad at kakayahan ng mga stakeholder at gawin itong tuntungan para sa pagtuklas ng mas malawak at mas makabuluhang mga mapagkukunan para sa ikabubuti ng komunidad at lipunan. Ang kooperasyon at kolaborasyon ay nakagawian na, imbis na pagkikipagkumpitensya para sa mga nauubos na mga mapagkukunan. Ang transparency at accountability ay nakasanayan na para sa responsibilidad at pananagutan a sa mga inisyatibo at mga pagbabagong pinagaaaralan at ipinatutupad, nang lumago at umunlad ang lumilitaw na kapangyarihan.
Ang bagong kapangyarihan, na bago sa mga stakeholder, ay kailangang pagsikapan; ito ay patuloy na hahamunin na bumalik sa dating paraan ng pagtatrabaho at paggampan. Ngunit ang mga komunidad at mga apektadong tao ay kailangang maging matibay at matatag sa mga pagsubok at hamon na pagadaraanan. Ang lumilitaw na kapangyarihan at praktika ay patuloy na yayanigin, kikwestyunin, at idedeklarang pa ngang hindi angkop at hindi akma. Ngunit ang mga tagapagbago ay kailangang manatiling matatag sa harap ng mga sitwasyong ito at hamon. Sa katagalan, ang katotohanan at kapangyarihan ng mga tao ay magbubunga. Ang lumang kasabihan ay angkop sa sanaysay na ito: ‘Hayaang mamukadkad ang isang daang bulaklak at magtagisan ang isang libong paaralan ng kaisipan.’
Mga Sanggunian:
De Guia, Katrin, Ph.D. Kapwa, The Self in the Other, Worldviews and Lifestyles of Filipino Culture-Bearers. 2005. Anvil Publishing Inc. Pasig City, Philippines
de Leon Ph.D., Felipe Mendoza. Celebrating the Creative Living Presence: A Culture of Healing: Guideposts for Education, Governance, and Wellness in Philippine Society. 2017. The Asian Social Institute (ASI)
de Leon Ph.D., Felipe Mendoza. Celebrating the Creative Living Presence: A Culture of Healing: Guideposts for Education, Governance, and Wellness in Philippine Society (p. 1). UNKNOWN. Kindle Edition
Doan, Dana R. H., What is Community Philanthropy: A guide to understanding and applying community philanthropy, Global Fund for Community Foundations
Edwards, Michael, Forget Billionaires: Let’s build our own system to fund the transformation of society, 23 June 2019
Hodgson, Jenny, Community Philanthropy: a brave new model for development funding, Guardian 2016.
Renta, Ph.D., Joseph Richard C. (2022). Art and Spirituality: A Phenomenology of Contemporary Filipino Artists’ Expressions of the Soul of the People in Architectural Designs of Catholic Churches in the Philippines. Manila: Asian Social Institute.
Reyes, Jeremiah, Loob and Kapwa: Thomas Aquinas and a Filipino Virtue Ethics, Ku Leuven Doctoral School Humanities and Social Sciences, Institute of Philosophy, September 2015
Ang galing naman! Sa unang basa, at sa pag tingin sa mga larawan, punong puno ng
galak ang puso ko... medyo mahirap basahin ng tuloy tuloy (which I will do, in a little while)
pero mas ma ige sana kung mababalangkas at saka mapapaliwanag ang bawat major topics, at sasamahan pa paminsan minsan ng mga larawan na tunay namang nagsasalaysay na kahit titigan mo lamang ...
Maraming salamat sa pagbahagi nito. Mabuhay ang partner awardees ng Abot-Kamay Community Solidarity Fund! Mabuhay ang concepto ng "community philantropy"!
Mabuhay ang CDP-- ang Center for Disaster Preparedness Foundation, Inc!
Mabuhay kayong lahat!